HEARING | Sen. De Lima inihatid na sa Bilibid

Bago mag alas 9 ng umaga dinala na si Senadora Leila De Lima sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ito ay upang sumipot sa pagdinig ng Muntinlupa RTC Branch 206 na dito sa Bilibid idinaraos.

Nakatakda kasing ipresenta ng prosekusyon ang kanilang ikatlong testigo na si dating police officer Engelberto Durano na kasalukuyang nakapiit sa Bilibid.


Si Durano ay convicted sa kasong murder at frustrated murder at itinuturing na lider ng kidnap-for-ransom group na “Durano Group”

Posible ding aksyunan na ng korte ang inihaing mosyon ng prosekusyon kung saan nais nilang maiba ang sequence o pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng kanilang mga testigo.

Sa kabilang banda, naghain naman nitong nakalipas na linggo ang kampo ni Senadora De Lima sa korte ng motion to vacate order dahil naglabas agad ng desisyon ang korte na nagbabasura ng kanilang inihaing motion to disqualify witnesses kahit na hindi pa tapos ang 5 araw na ibinigay nitong taning para magsumite ang kampo ng senadora ng reply sa kumento ng prosekusyon.

Samantala, maliban kay Durano nakita rin nating ipinasok sa court room ang mga convicted felons na sina Herbert Colangco at Noel Martinez na ginawang state witnesses laban sa senadora.

Facebook Comments