Manila, Philippines – Itinakda sa Agosto 29 ng senate committee on public services ang pagdinig sa nangyaring pagsadsad ng eroplano ng Xiamen airline sa runway ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Batay sa resolution 852 na inihain ni Senadora Grace Poe chairman ng komite, mahalagang maimbestigahan ang tila palpak na regulasyon ng airport aviation authorities.
Ayon kay Poe, mahalagang marepaso rin ang mga airport operations at management para malaman kung naibibigay ng mahusay ang serbisyo sa publiko.
Gayundin ang naging epekto ng naturang aberya sa turismo, ekonomiya at kalakalan sa bansa at maprotektahan ang interes ng mga pasahero sa bansa.
Maliban rito, tatalakayin din sa pagdinig ang Senate Resolution No. 782 na nauna ng inihain ni Senador Sherwin Gatchalian na layuning alamin ang estado ng mga paliparan at ang planong modernisasyon dito ng gobyerno.