Heart attack, tinitingnang dahilan ng QCPD sa pagkamatay ng legendary balladeer na si Keith Martin

Tinitingnan ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang atake sa puso bilang dahilan ng pagkamatay ng Amerikanong singer/songwriter na nagpasikat sa kantang “Because of You” sa Lafayette Condominium, Brgy. Bagumbayan, Quezon City.

Ayon kay QCPD Director, PBGen. Remus Medina, base sa death certificate, Acute Myocardial Infarction ang naging dahilan sa pagkamatay ng singer-song writer.

Batay sa inisyal na ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-9 ng umaga noong ika-20 ng Marso, 2022 huling nakitang buhay ng maintenance personnel si Keith Martin, 57 taong gulang.


Ito’y nang matapos niyang ayusin ang water leakage sa loob ng unit ng biktima.

Dakong alas-10:46 ng umaga ng Marso 25, 2022, nang may masangsang na amoy ang nanggagaling sa tirahan ng yumaong singer.

Kaagad itong ipinagbigay-alam sa manager ng nasabing condominium na si Christine Lleno.

Kinatok ni Lleno ang pintuan ni Keith subalit hindi ito tumugon kaya’t nagpasya na silang buksan ang nasabing unit at tumambad sa kanila ang nakahandusay at wala ng buhay niyang katawan.

Samantala, noong Marso 25, 2022, personal na nagpunta sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang dating live-in partner ni Keith upang magbigay ng sinumpaang pahayag.

Sinabi ni Dayao na dinalaw pa ng yumaong singer ang kanilang anak noong Pebrero 21, 2022. Subalit noong Marso 12, 2022 ay nagpahiwatig si Keith kay Dayao ng pananakit ng tiyan at hindi maganda ang pakiramdam.

Ang embahada ng United States, Manila ay nasabihan na sa insidente samantalang ang kapatid ng yumao na si Veronica Martin ay binigyang pahintulot si Diana Dayao na irepresenta ang naulilang pamilya.

Facebook Comments