Pinaiimbestigahan ni Senator Mark Villar sa Senado ang kasalukuyang estado ng heat index monitoring at warning systems sa bansa.
Kaugnay na rin ito sa mga insidente ng pagkaospital, nahilo at hinimatay dahil sa sobrang init ng panahon tulad ng nangyari sa mahigit 100 estudyante sa Cabuyao, Laguna at sa 90 indibidwal na dumalo sa isang pagdiriwang sa Taytay, Palawan.
Inihain ni Villar ang Senate Resolution 590 na may layuning ma-develop at mapalakas ang heat index monitoring sa bansa na kahalintulad sa alert system na ginagamit sa mga kalamidad.
Maliban sa pag-assess sa kagamitan at warning systems para sa matinding init ng panahon, tutukuyin din sa pagsisiyasat ang mga epekto sa kalusugan at sa ekonomiya ng matinding init at aalamin din kung anong mga best practices at teknolohiya sa heat index monitoring at alert systems ang gamit sa ibang bansa.
Tulad kapag may bagyo, hiniling ni Villar sa PAGASA na maglabas ng warning sa tuwing napakatindi ng init sa ilang lugar sa Pilipinas para mabigyang babala at mapagingat ang mga mamamayan sa sobrang init ng panahon.