Simula alas-12:01 kaninang madaling araw, nakataas na ang heightened alert status sa buong hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y kasunod na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista sa mga areas of convergence tulad ng mga paliparan, pantalan, transportation hubs gayundin sa mga simbahan para naman sa mga deboto.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, magtatagal ang heightened alert status para sa Semana Santa hanggang sa Abril 1 pero magtutuloy-tuloy ang naturang alerto hanggang sa Mayo 31 para naman sa Oplan Ligtas Summer Vacation o SumVac.
Una nang sinabi ng PNP na magdedeploy sila ng mahigit sa 52,000 na mga pulis sa mga matataong lugar bukod pa sa mahigit 87,000 na mga kawani mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na magiging maayos, ligtas at payapa ang Holy Week break.