Nagdeklara na ang Philippine National Police (PNP) ng heightened alert sa buong bansa.
Kasunod ito ng nangyaring kambal na pagsabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu kahapon.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac – epektibo ang heightened alert kaninang hatinggabi.
Layon aniya ng mas mataas na alerto na tiyaking hindi mangyayari sa ibang pang rehiyon sa bansa ang naturang pag-atake.
Sa ilalim ng heightened alert, pinapalakas ang checkpoint operations at pinapaigting ang implementasyon ng election gun ban.
Kaugnay nito, inabisuhan na rin ng PNP ang lahat ng mga regional director sa buong bansa na paigtingin ang pagpapatupad ng security measure sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Binibigyan naman ng discretionary authority ang mga regional director na itaas pa ang alerto sa kanilang lugar kung kinakailangan.
Sa huling datos ng PNP umabot na sa 20 ang nasawi sa pagsabog habang 112 ang sugatan.