Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Sec. Crispin Remulla na kukumpiskahin ng pamahalaan ang helicopter ni suspended Congressman Arnolfo Teves Jr., na sinasabing ginamit sa pagtakas ng mga sangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Remulla, kumukuha na sila ng piloto mula sa Philippine National Police (PNP) para maisailalim na sa kustodiya ng mga awtoridad ang helicopter at dadalhin ito sa Cebu para mabantayan.
Sinabi ng kalihim na wala na rin mga tatak o nakasulat sa helicopter nang makuha ito mula sa hangar ni Teves.
Una nang naglabas ng search warrant ang korte para sa helicopter ng kongresista.
Ang nasabing chopper ay sinasabing ginamit na getaway aircraft nang makorner sa checkpoint ang mga responsable sa Degamo killing.