Manila, Philippines – Nagbabala si Senator Grace Poe sa pagkakaluklok kay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong House Speaker.
Ayon kay Poe, nakatatak na sa kasaysayan ang pagnanakaw ni Arroyo hindi lang sa salapi ng bayan kundi pati sa pagkapangulo ng bansa.
Matatandaang inakusahan ng pandaraya si Arroyo dahil sa “Hello, Garci” scandal na nag-ugnay noon sa umano ay pandaraya laban kay Fernando Poe, Jr.
Giit pa ni Poe, masamang pangitain ang charter change (cha-cha) na nasa kamay na ngayon ni Arroyo.
Sabi naman ni Senator JV Ejercito, bumalik sa kaniyang alaala ang kaparehong sitwasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa nangyari sa napatalsik na si House Speaker Pantaleon Alvarez.
Kasabay nito, umalma naman ang grupong Karapatan sa pagbabalik ni Arroyo.
Giit ng grupo, mahigit 1,200 ang umano ay biktima ng extrajudicial killing noong administrasyong Arroyo at nasa 200 ang dinukot na hindi pa nakikita hanggang sa ngayon.