Helper, Arestado sa Tangkang Pagpatay!

*Cauayan City, Isabela- *Arestado ang isang helper nang tangkaing saksakin ang isang lalaki ganap na alas diyes kagabi sa Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang naaresto na si Roymel Morales, 24 anyos, may asawa at residente ng Bicobian, Divilacan, Isabela habang ang biktima ay si Pedro Redoma, 43 anyos, driver at nakatira sa Brgy. Sta Filomena, San Mariano, Isabela.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, dumating ang suspek sa tinutuluyang lugar ng biktima at dito ay nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo na humantong sa pambubugbog ng suspek sa biktima.


Nang bumagsak sa lupa ang biktima ay nagmakaawa ito sa suspek subalit naglabas ng patalim ang suspek at tangkang isasaksak sa likod ng biktima.

Napigilan naman ng isang gwardiya na nagngangalang si Joseph Capuchino ang tangkang pananaksak ng suspek.

Nagawa pang tumakas ng suspek subalit nahuli rin ito ng mga rumespondeng Brgy Tanods na kalauna’y dinala sa himpilan ng PNP Cauayan City para sa kaukulang dokumentasyon at nakatakda itong sampahan ng kasong Attempted Murder.

Facebook Comments