Henerasyon ng mga lulong sa sugal, pinangangambahan dahil sa talamak na online gambling —CBCP president

“Pupulutin sa kangkungan ang ating bayan kung hindi tayo aalma para masupil ang kabaliwang ito.”

Ito ang tahasang sinabi ng pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa gitna ng patuloy na paglaganap ng online gambling sa bansa.

Sa social media post ni Cardinal Pablo Virgilio David, binatikos nito ang tila pagte-taingang kawali ng pamahalaan sa problema ng bansa sa talamak na online gambling.

Tinawag ng kardinal na kabaliwan ang umano’y pagkukunwari ng gobyerno na nababahala sa iligal na offshore gambling samantalang ginawang legal ang sugal na may access pa ang lahat mapa bata o matanda 24/7 sa pamamagitan lamang ng cellphone.

Nakababahala aniya na may mga magulang na overseas Filipino workers (OFW) ang nagpapadala ng pera sa mga anak pero hindi na ito nakakaabot sa hapag kainan o sa matrimula dahil naitataya na agad.

Pinuna rin ni David ang mga sikat na artista na sila pang nangunguna sa pag-eendorso ng gambling sites sa social media na lumalambat ng mga inosente.

Kung hindi aniya ito mahihinto agad ay wala nang aasahang edukasyon, disenteng trabaho at magandang kinabukasan dahil sa henerasyon ng mga lulong sa sugal.

Facebook Comments