
Ibinalik ng Philippine National Police (PNP) si Police Lt. Col. Lambert Suerte bilang provincial director ng Benguet Police Provincial Office matapos malinis sa anumang command responsibility kaugnay ng umano’y pagkukulang sa imbestigasyon sa pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Matatandaan na pansamantalang inalis sa pwesto si Suerte kasama si Police Maj. Peter Camsol Jr., hepe ng Tuba Municipal Police Office, dahil sa umano’y mga pagkukulang sa paghawak ng ebidensya kaugnay ng insidente.
Sa panahon ng suspensyon, si Suerte ay nasa medical leave mula noong siya ay opisyal na na-relieve noong Disyembre 22, 2025.
Batay sa imbestigasyon ng otoridad, walang paglabag si Suerte sa kaniyang tungkulin. Sa halip, pinanagot si Camsol Jr., na haharap sa mga kasong administratibo.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., tinitiyak ng PNP na bawat opisyal ay bibigyan ng due process, patas na imbestigasyon, at walang kinikilingan.






