Sinibak ngayon sa puwesto ang hepe ng Pasay City Police Office dahil umano sa kapabayaan sa tungkulin dahil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa naturang lungsod.
Maliban sa chief of police na si Col. Yanha Bustamante Yusuf, kumpirmado ring sinibak sa puwesto ang 26 na pulis.
Una rito, pinaiimbestigahan ni Department of the Interior and Local Government Secretary ang chief of police kasama na ang sub-station commander ng Pasay City Police hinggil sa kawalan ng aksyon sa sinalakay na unlicensed online gaming hub na nagsisilbing kuta umano ng human trafficking noong nakaraang Linggo.
Sa isang liham kay PGen. Benjamin Acorda Jr., Philippine National Police chief, inirekomenda rin ni Abalos na tanggalin sa pwesto ang commander at mga tauhan ng police sub-station, alinsunod sa Commission on Elections guidelines sa paglilipat sa election period.
Imposible na walang nakakaalam umano ni isang pulis na ang nasabing 6-storey building na ginagamit sa criminal activity.
Malapit ang Pasay Police Station 1 sa F.B. Harrison at Williams Streets, kung saan naganap ang raid sa Philippine Overseas Gaming Operator Smart Web Technology Corp.
Lumilitaw na napaso na ang lisenya ng kompanya noong Setyembre, subalit patuloy pa rin ang operasyon nito.
Mahigit 700 trabahador ang nasagip sa raid sa kompanya, na ayon sa mga awtoridad ay nag-aalok din ng mga iligal na serbisyo.