Hepe ng PNP Alcala, Cagayan, Nasawi

Cauayan City, Isabela- Binawian ng buhay ang hepe ng Alcala Police Station sa Lalawigan ng Cagayan kaninang alas 3:30 ng madaling araw, Nobyembre 29, 2020.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Col. Andree Abella, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 2, nakaramdam aniya ng pagkahilo kagabi si PCapt Arnol C. Bulaqui kaya’t umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang istasyon patungo sa kanyang kwarto.

Ngunit habang paakyat sa hagdan ang Hepe ay biglang natumba at nahulog sa hagdan.


Agad namang itinakbo sa ospital dakong 10:30 kagabi ang Hepe ngunit binawian na ng buhay kaninang madaling araw.

Ayon pa kay PLt Col Abella, dati nang mayroong hypertension si PCapt Bulaqui ngunit hinihintay pa rin ang findings ng Doktor sa tunay na ikinamatay ng Hepe.

Si PCapt Bulaqui ay nagsilbing ama at nanguna sa mga rescue operations ng PNP Alcala sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan na dulot ng bagyong Ulysses.

Kasalukuyan pa lamang na nasa isang punerarya sa nasabing probinsya ang bangkay ng yumaong hepe.

Facebook Comments