*Isabela-* Kinumpirma ni Isabela Provincial Director P/Col. Mariano Rodriguez na sinibak na sa tungkulin ang dalawang hepe na sina P/Lt Col Nelson Vallejo ng PNP Cauayan City at P/Maj. Richard Gatan ng PNP Cordon, Isabela dahil sa insidenteng pagdis-arma ng mga NPA sa ilang mga tauhan ng PNP Cauayan City, Cordon at Divilacan.
Ito’y matapos na maharang ang mga ito sa inilatag na Checkpoint ng mga NPA sa Sitio Lagis, Brgy Sindun Bayabo, Ilagan City, Isabela kahapon, Hulyo 05, 2019.
Sa follow up report ng 98.5 iFM Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), lumabas sa imbestigasyon na hindi lang dalawang (2) pulis kundi limang (5) PNP personnel ang nadis-armahan ng mga rebelde.
Dalawang pulis mula sa PNP Divilacan, dalawa rin sa PNP Cauayan at isa sa PNP Cordon ang hinarang at kinuhanan ng mga armas na siyang naging dahilan upang i-relieve ang dalawang hepe.
Sa ngayon ay inaalam pa ng Police Regional Office 02 (PRO2) kung bakita nasa lugar ang mga nasabing pulis at inaalam din kung may katotohanan ang impormasyon na may mga pulitiko umanong kasamang naharang sa lugar.
Magugunita na sa unang report ng PNP Ilagan, sinasabing dalawang pulis lamang ang nacheckpoint at nadis-armahan ng mga NPA na magsusumite sana ng mahalagang report sa IPPO ngunit nakumpirma ng iFM Cauayan na may tatlo pang mga pulis ang kasama rin na naharang.