Cauayan City, Isabela- Nakikiusap ang Hepe ng PNP Cordon sa iba pang hanay ng pulisya sa Lalawigan ng Isabela na maghigpit din sa mga binabantayang quarantine checkpoints.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa Hepe na si PMaj. Alford Accad, sinabi niya na dapat istriktuhan din ng iba pang checkpoints ang pagmamando upang matiyak na walang makakalusot sa mga dumadaang sasakyan na maaaring nagpupuslit ng mga tao na hindi naman dumaan sa tamang proseso.
Malaking hamon aniya sa kanyang hanay ang pagbabantay sa border checkpoint dahil lahat ng mga bumabyaheng sasakyan lalo na sa mga cargo trucks ay kinakailangang masuri ng mabuti katuwang na rin ang Highway Patrol Group (HPG).
Hindi rin aniya maiwasan na sa kanila maibabato ang sisi sakaling may mga makalusot kaya’t nananawagan ito sa ibang quarantine control points na maging alerto at strikto sa pagpapatupad ng mga protocols.
Kaugnay nito, malaking tulong aniya sa kanilang hanay ang hindi pagtanggal ng mga barangay officials sa mga checkpoints sa mga barangay upang mabantayan ng mabuti ang mga residente at ipinagpapasalamat naman ito ng Hepe dahil sa pakikiisa ng mga mamamayan.
Ibinahagi ni PMaj. Accad na kaunti lamang ang kanilang mga nahuli na lumabag sa mga protocol mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) patungo sa General Community Quarantine (GCQ).
Mas marami aniya ang kanilang nahuli na lumabag sa GCQ kumpara sa ECQ dahil mula sa kabuuang bilang na 98 sa ilalim ng ECQ ay umakyat ito sa bilang na mahigit isang libong violator.
Karamihan sa mga nahuli ay mga walang suot na facemask, lumabag sa social distancing at mga pagala-gala sa lansangan.
Paalala naman ng Hepe sa lahat ng papasok sa Lalawigan na dapat may maipakitang Travel Authority at Health Certificate mula sa pinanggalingang lugar kabilang na ang mga uuwi sa ilalim ng ‘Balik probinsya’ program dahil kung wala aniyang maipakitang mga kaukulang dokumento ay huwag na lamang bumyahe.
Para naman sa mga Authorized Person outside residence (APOR) ay kinakailangan namang magpresinta ng anumang valid na Identification Card o company ID.
Hinimok nito ang bawat isa na makipagtulungan sa mga otoridad at sumunod lamang sa mga ipinatutupad na protocols upang makaiwas sa COVID-19 at mapigilan din ang pagkalat nito.