Hepe ng PNP Gonzaga, Cagayan, Sinibak sa Pwesto Matapos Makatakas ang Isang Pulis na may kasong Kidnapping!

*CAGAYAN- *Sinibak sa pwesto ang hepe ng PNP Gonzaga, Cagayan na si Police Chief Inspector Jayson Cabauatan matapos na makatakas ang kanilang nahuling pulis na natanggal sa serbisyo dahil sa kaso nitong Kidnapping at illegal detention.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Cagayan Police Provincial Office, una nang nadakip ang suspek na si PSUPT Johnny Lapat Orme noong ika-anim ng Oktubre sa bisa ng kanyang Warrant of Arrest na inihain ng korte at dinala pa ito sa himpilan ng PNP Gonzaga para sa kanyang kaukulang dokumentasyon.

Kaugnay nito ay noong ika-pito naman ng Oktubre ay sinamahan si Orme ng mga pulis sa kanyang bahay upang manguha ng kanyang mga damit subalit kinuhang pagkakataon ito ng suspek para makatakas.


Dumaan umano ang suspek sa likod na pintuan ng kanyang bahay habang bigo namang habulin ito ng mga sumamang pulis.

Sa ngayon ay kasalukuyan ang isinasagawang manhunt operation ng mga otoridad para sa agarang pagkaaresto ni Orme.

Facebook Comments