Hepe ng PNP Internal Affairs Service, nakakatanggap ng death threat

Manila, Philippines – Nakakatanggap ng banta sa buhay ang hepe ng PNP Internal Affairs Service na si PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.

Ang PNP-IAS ang unit sa PNP na nakatalagang magsagawa ng pagdinig sa kasong administratibo na kinakaharap ng mga pulis na nasangkot sa katiwalan o lumabag sa police operational procedure.

Pero ayon kay Atty. Triambulo, hindi nya na pinapansin pa ang mga bantang ito sa kanyang buhay sa halip itinututuon nya ang sarili sa trabaho at ipinagpapasa Diyos na lang ang mga banta.


Kaugnay nito mensahe naman ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa, kay Atty. Triambulo na huwag magpapatakot sa mga Police scalawags na nagbabanta sa kanyang buhay.

Sa halip inalok pa nito ang Abogado ng mas maraming baril upang magdalawang isip ang mga nagbabanta sa buhay nito na isakatuparan ang kanilang mga banta.

Sa datos ng PNP-IAS una na silang nagrekomenda kay PNP Chief Ronald dela Rosa na masibak sa serbisyo ang tatlong daang mga pulis dahil napatunayan ng PNP-IAS na sangkot sa katiwalian ang mga ito, karamihan dito ay tuluyan nang nasibak sa serbisyo.

Habang ang panibagong bilang ng pulis na inirekomenda ng PNP-IAS kay PNP Chief na masibak sa serbisyo ay animnapu’t- anim na pulis.

Facebook Comments