Hepe ng PNP Tumauini, Isabela, Nagpaalala sa mga Motorista!

*Tumauini, Isabela- *Pinaalalahanan ni Police Chief Inspector Eugene Mallillin, hepe ng PNP Tumauini ang mga motorista na maging disiplinado sa pagmamaneho upang makaiwas sa perwisyo.

Kaugnay ito sa naganap na aksidente sa pambansang lansangan ng Brgy. Liwanag, Tumauini, Isabela na ikinasawi ng apat na katao kabilang ang tatlong taong gulang na bata.

Magugunita na noong Marso 21, 2019 ng umaga ay natumbok ng pampasaherong Van na minamaneho ni Michael Casimiro Cariño ang lumilikong Kuliglig na minamaneho naman ni Orlando Sanchez Barbieto Sr. kasama ang apat pang katao.


Batay sa ibinahaging impormasyon ni PCI Mallillin, masyado anya na mabilis ang patakbo ni Cariño na inamin naman ng suspek kung saan hindi rin anya napansin ng driver ng Kuliglig ang paparating na Van kaya’t tuluyang nagsalpukan ang mga ito.

Giit pa ni PCI Mallillin, parehong may kapabayaan sa pagmamaneho ang dalawang driver.

Kaugnay nito, patuloy naman ang kanilang pagpapaalala sa mga motorista lalo na sa mga Kuliglig na kung maaari ay huwag nang idaan o imaneho sa mga pambansang lansangan upang hindi na maulit ang nangyaring karumal-dumal na aksidente.

Paalala rin ng hepe na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa pagmamaneho, disiplina sa sarili at huwag magpatakbo ng mabilis upang walang madamay na ibang tao.

Samantala, nasa maayos nang kalagayan ang driver ng Kuliglig na kasalukuyang nagdadalamhati dahil sa pagkasawi ng kanyang asawa at ng 3 anyos na apo na kabilang sa apat na namatay sa naganap na aksidente na pawang mga residente ng Brgy. Lalauanan, Tumauini, Isabela.

Nasa kustodiya pa rin ng PNP Tumauini ang suspek na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Multiple Homicide, Physical Injury and Damaged to Property.

Facebook Comments