Hepe ng PSPG 5, pinasisibak

Pinasisibak ng Ako Bicol Party-List Group si Police Superintendent Charlotte Dodson Peñalosa, ang hepe ng Regional Police and Security Protection Unit 5 (RPSPU 5) at Police Security and Protection Group (PSPG).

Ito ay dahil sa kanyang kapabayaan na nagresulta sa ‘premeditated murder’ kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.

Sa statement, nanawagan ang Ako Bicol party-list na matanggal sa pwesto si Peñalosa dahil sa ‘incompetence’ at ‘negligence’ nito.


Base sa natanggap nilang mga impormasyon, ipinag-utos ni Peñalosa na i-pull out ang mga police escort ni Batocabe, ilang araw bago nangyari ang karumal-dumal na pagpatay.

Hiniling din ng party-list group sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI) na disarmahan ang mga armadong grupo na kaalyado ng mga kalaban sa pulitika sa Daraga, Albay.

Si Batocabe ay nasa panghuling termino nito sa Kongreso at tatakbo bilang alkalde sa Daraga, Albay.

Nakaburol ang mga labi nito sa Arcilla Hall, Bicol University, Daraga, Albay.

Nakatakda naman sa December 31, 2018 ang kanyang internment habang magkakaroon ng memorial service sa Kamara para bigyang paggalang sa January 14, 2019.

Facebook Comments