Hepe ng San Juan Police, pinagpapaliwanag din matapos lumabag sa health protocols ang mga police escort ni San Juan Mayor Francis Zamora sa Baguio City

160

Pagpapaliwanagin muna at hindi agad sisibakin sa pwesto ang hepe ng San Juan City Police na si Police Col. Jaime Santos.

Ito ay makaraang alisin na sa pwesto ang limang pulis na nakatalaga sa San Juan na naging escort ni San Juan Mayor Francis Zamora nang tumungo ito sa Baguio City.


Ayon kay NCRPO Director Police M/Gen. Debold Sinas, dapat magpaliwanag muna si Santos kaugnay sa insidente sa Kennon Road sa Baguio City noong June 5, 2020 kung saan hindi nila pinapansin ang health protocols na inilatag doon.

Sinabi pa ng opisyal na aalamin muna nila ang degree of liability ni Santos batay sa umiiral na chain of command.

Ngunit giit ng opisyal, hindi nila kinokonsinti ang anumang paglabag sa health protocols lalo na kung mga pulis officers din ang gumagawa nito.

Samantala, ayon naman kay PNP Chief Archie Gamboa, tutukuyin din sa imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service kung bakit lima ang security escort ni Zamora, gayong dalawa lang dapat ang maximum escort ng isang pulitiko.




Facebook Comments