Inalis na rin ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen Archie Francisco Gamboa sa posisyon si National Capital Region Training Center Director Lieutenant Colonel Nelvin Ricohermoso dahil sa insidente ng pag-iinuman ng 16 na trainee sa pagkapulis sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Sinabi ni PNP Chief Gamboa na nalaman nila ang insidente dahil ipinost ito sa social media.
January 29 umano nangyari ang insidente sa loob ng dormitoryo.
Hindi na rin matutuloy ang pangarap na maging pulis ng 16 na police recruits dahil hindi na sila payagang makapanumpa kahit nakapasa pa sila sa training.
Bukod sa Hepe ng training center sinibak rin ang nasa 14 na pulis na kabilang sa regional training group ng NCRTC.
Ayon kay Gamboa, patunay ito ng misbehavior ng mga bagong recruits lalo na at may direktiba si Pangulong Duterte na hindi dapat nag-iinuman sa pampublikong lugar ang mga pulis.
Bawal din ang pag-iinuman sa loob ng police at military camps.