Herbosa, pinagbibitiw ni Sen. Alan Cayetano

Hinamon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Health Secretary Ted Herbosa na magbitiw sa pwesto kapag sa loob ng isang linggo ay magawa ng senador na tapusin ang cost analysis ng 160 hospitals.

Sa gitna ng pagtalakay sa budget ng Department of Health (DOH) para sa 2026, muling hiniling ang pagsuspindi sa rules para direktang matanong ni Cayetano si Herbosa na Chairperson ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Pinuna ni Cayetano na pitong taon nang hindi updated ang mga case rates at palaging inaanunsyo ng DOH na zero billing na sa mga ospital pero ang totoo ay mayroon pa palang babayaran ang mga pasyente.

Paliwanag naman ni Herbosa, zero billing o walang babayaran sa ospital kapag indigent o mahirap ang isang pasyente at ang mga nasa basic accommodation o charity ward subalit kapag nasa pay ward o private ward ay mayroong babayaran ang mga pasyente.

Kasunod nito ay hinamon ni Cayetano si Herbosa na mag-resign kapag nagawa niya sa loob ng isang linggo ang cost analysis ng mga ospital at kumasa naman dito ang kalihim.

Naunang sinabi ni Herbosa na sa kalagitnaan pa ng 2026 matatapos ang survey para makuha ang average hospital costs na kailangan sa updating ng case rate na siyang ikinagalit ng mambabatas.

Sinuspindi ang debate sa DOH budget kagabi dahil sa umiinit na bangayan ng dalawa at muling ipagpapatuloy ang deliberasyon ngayong araw.

Facebook Comments