Herd immunity, dapat makamit ng bansa bago ang 2022 elections

Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gawin ang lahat para makamit ng bansa ang herd immunity laban sa COVID-19 bago ang 2022 national elections.

Ayon kay Dela Rosa, ito ay para masiguro na lahat ng botante ay makakalabas at makakaboto.

Umaasa si Dela Rosa na matutupad ang pangako ng National Task Force Against COVID-19 na mangyayari ang herd immunity sa huling bahagi ng taon dahil inaasahang aabot sa 164 million doses ang bakunang matatanggap ng bansa.


Mensahe ito ni Dela Rosa sa IATF makaraang ihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang resulta ng Ulat ng Bayan survey na halos kalahati ng mga Pilipinong botante ang hindi boboto dahil sa takot na mahawa ng COVID-19.

Nag-aalala si Dela Rosa na kung kakaunti lang ang makakaboto ay magkaroon tayo ng presidente or vice president na hindi hangad ng mayorya ng mga Pilipino dahil maituturing lang ito na ‘president of the republic of the vaccinated’ or ‘president of the republic of walang takot sa COVID.”

Facebook Comments