Herd immunity laban sa COVID-19, posibleng sa 2023 pa – Moody’s Analytics

Posibleng sa taong 2023 pa maabot ng Pilipinas ang herd immunity laban sa COVID-19.

Ayon kay Moody’s Analytics Chief Economist for Asia-Pacific Steven Cochrane, maaaring mapag-iwanan ang bansa sa mga rehiyon sa Asya pagdating sa pagrekober nito sa pre-pandemic economic growth.

Aniya, ang ilan sa mga bansa sa Asya ay nasa 2 hanggang 3% na sa kanilang pag-abot sa new peak ng Gross Domestic Product (GDP).


Samantala, ang Pilipinas kabilang ang mga bansang Malaysia at Thailand ay nahihirapan pa rin sa pagsugpo ng COVID-19 o sa pagpapagulong ng ekonomiya.

Paliwanag pa ni Cochrane, maaaring dahil ito sa muling pagsirit ng kaso ng COVID-19, mga ipinapatupad na quarantine measures, mataas na presyo ng karneng baboy bunsod ng African Swine Fever at mataas na presyo ng pangunahing bilihin tulad ng gulay na dulot naman ng mga nagdaang bagyo.

Nakadagdag din dito ang mabagal na paggulong ng vaccination program ng pamahalaan.

Sa kabila nito, inaasahan ng Moody’s Analytics na lalago ng halos 3.3% ang ekonomiya ng bansa sa taong 2021 at 7.2 naman sa taong 2022.

Facebook Comments