Sa unang quarter ng susunod na taon pa posibleng makamit ng bansa ang herd immunity mula sa COVID-19 pero depende ito sa matatanggap nating suplay ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ito ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee o DBCC ukol sa proposed 2022 national expenditure program.
Paliwanag ni Dominguez, kailangan ang 9 na milyong doses ng COVID-19 vaccine kada linggo para mabakunahan ang 70% ng ating populasyon.
Diin ni Dominguez, sapat na ang na-order na bakuna ng pamahalaan at mayroon na ring pambayad kaya ang mabilis na pag-deliver na lang ng pharmaceutical companies ang kanilang inaasahan.
Ayon kay Dominguez, sa ngayon ay steady ang supply ng Sinovac vaccine at sa katunayan ay mahigit sa 50% na ang nai-deliver nito sa bansa.