Herd immunity sa Maynila, makakamit sa Setyembre!

Kumpiyansa si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na makakamit ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang herd immunity nito pagsapit ng Setyembre.

Ayon kay Moreno, ito ay dahil dumarating na ang bulto ng mga bakuna na inorder mula sa iba’t ibang vaccine manufacturers maging ang mga donasyong bakuna mula sa COVAX Facility.

Sinabi pa nito na nakatutulong din ang pagtaas ng vaccine confidence kung kaya’t marami na ang nahihikayat na magpabakuna.


Batay sa datos ng Manila Health Department nasa kabuuang 16,261 indibidwal ang nabakunahan na ng COVID-19 vaccine nitong May 18.

Samantala, iginiit pa ni Moreno na nagpahayag lamang sya ng “honest opinion” hinggil sa pagbanggit nito na “super bagal” ang deployment ng mga COVID vaccine sa mga Local Government Unit.

Aniya, nauunawaan niyang mahirap talaga makakuha ng bakuna dahil sa limitadong suplay pero sa oras aniyang dumating na ang bakuna sa bansa ay hindi ito dapat tumagal ng 10 araw o ilang linggo sa storage facility.

Paliwanag ng alkalde, nais lamang niyang agad mabakunahan ang mga Pilipino nang sa ganon ay makabalik na ang lahat sa normal at magkaroon ang lahat ng proteksyon mula sa COVID-19.

Facebook Comments