
Pinahaharap si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Hernandez sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang komisyon na binuo ng pangulo na hiwalay na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, nakatanggap siya ng subpoena ng ICI para kay Hernandez para paharapin ito sa ICI.
Bibigyan ni Sotto ng otoridad ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms para dalhin si Hernandez sa ICI at humarap sa imbestigasyon.
Samantala, bago matapos ang pagdinig ngayong araw ay humabol sa pina-cite in contempt dahil sa pagsisinungaling si dating DPWH-Bulacan Construction Division Chief Jaypee Mendoza.
Kasama niyang made-detain sa Senado sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez at contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya.
Inendorso naman para sa witness protection program ng Department of Justice (DOJ) si Sally Santos, ang owner/manager ng SYMS Construction Trading dahil kumpyansa ang mga senador na sa mga resource persons ay ito ang nagsasabi ng totoo at dahil na rin sa banta ng buhay nito.









