Inanunsyo ng Palasyo ng Malacañang na ipagpapaliban muna ang Heroes Parade ni Carlos Yulo at ng iba pang Filipino Olympians bukas, at gagawin na ito sa Miyerkules nang hapon.
Ayon kay Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs Reichel Quiñones, alas-6:00 ng gabi na kasi ang dating ng ating mga atleta bukas sa Villamor Airbase at masyado na itong gabi para sa Heroes Parade.
Sasalubungin ang mga atleta ng kani-kanilang pamilya sa Villamor Airbase at saka didiretso sa Malacañang para sa inihandang seremonya at dinner ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at ng First Family.
Sa naturang seremonya, inaasahang ibibigay ni Pangulong Marcos ang Presidential citations sa lahat ng atleta at maging ang cash reward para sa mga nag-uwi ng medalya.
Samantala, itutuloy naman ang Heroes Parade sa araw ng Miyerkules kung saan magsisimula ito sa Aliw Theater at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex.