Halos 200,000 doses ng Pfizer vaccines, darating sa bansa ngayong araw

Inaabangan na ang pagdating mamayang gabi sa bansa ng unang batch ng donasyong COVID-19 vaccines ng Pfizer-BioNTech mula sa COVAX Facility.

Sa abiso ng National Task Force against COVID-19 (NTF), nasa 193,050 doses ng Pfizer vaccines ang darating sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, alas-9:00 mamayang gabi.

Ang shipment ay lulan ng DHL Express Flight LD457.


Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na nasa 1.3 million doses ng Pfizer vaccines ang nakatakdang i-deliver sa bansa ngayong buwan.

Ang initial doses ay gagamitin sa pilot vaccination.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang mga bakuna ay idi-distribute sa Metro Manila, Cebu, at Davao City at iba pang lugar na kaya ang -70 hanggang -80 degrees Celcius na storage requirement.

Dahil sa sensitibo ang mga bakuna pagdating sa temperature, ang Pfizer vaccines ay idederetso agad sa mga warehouses nito.

Ito na ang ika-apat na beses na nagbigay ng vaccine donation ang COVAX Facility sa bansa.

Ang Pfizer vaccines ay 95% epektibo laban sa symptomatic COVID-19 infection, batay sa Phase 3 Clinical trials.

Facebook Comments