Dapat maging ganap na commissioned officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz dahil sa pambihirang karangalan na inialay nito sa bansa.
Mungkahi ito ni Committee on National Defense and Security Chairman Senador Panfilo Lacson sa liderato ng Philippine Air Force (AFP) kung papayagan ng batas at regulasyon ng AFP.
Ayon kay Lacson, nararapat itong igawad kay Diaz matapos masungkit ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics na kauna-unahan sa ating kasaysayan.
Paliwanag ni Lacson, hindi lang ito pagkilala sa kakaibang husay na ipinamalas ni Diaz kundi pagpupugay rin sa pagiging mabuting halimbawa nito sa mga kapwa sundalo bilang isang atleta at isang leader.
Diin ni Lacson, binigyan din Hidilyn ng pagkakataon ang 110 milyong Pilipino na magdiwang sa harap ng matitinding pinagdadaanan ng bansa.
Para kay Lacson, most touching moment din na mananatili sa ating alaala ang pagtugtog ng Lupang Hinirang sa Olympics habang sumasaludo ang gold medalist.