Hinimok ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang lahat na magkaisa hindi lang dahil sa Olympics kundi bilang mga Pilipino.
Ayon sa Pinay weightlifter, malaking bagay para sa kanilang mga atleta na pinapanuod ng mga kapwa nila Pilipino ang kanilang mga laro.
Aniya, kayang-kaya ng mga Filipino athletes na manalo ng ginto sa Olympics basta’t sama-sama ang lahat.
“[Sa mga] sumuporta, nagdasal, sumigaw at nawalan ng boses nung laro ko, maraming-maraming salamat po. Thankful ako kasi lahat tayo sumuporta sa mga Filipino athlete, nag-unite tayo, nagsama-sama sa panunuod sa laro naming mga atlete, malaking bagay po yun para sa’min,”
“Sana po, mag-unite po tayo as Filipinos hindi lang dahil sa Olympics.”
Kasabay nito, sinabi ni Hidilyn na nauunawaan niya na hindi pwedeng iasa lagi sa gobyerno ang pangangailangan ng mga atleta kaya mahalaga rin ang tulong mula sa mga private sponsors.
Noong 2019, gamit ang kanyang Instagram account ay matatandaang nanawagan ng tulong pinansyal si Hidilyn para sa kanyang training.