Isasailalim ng Department of Health (DOH) sa high alert status ang lahat ng ospital sa buong bansa bilang paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa DOH, magsasagawa sila ng serye ng inspeksyon sa mga ospital upang masiguro ang kahandaan ng mga ito sa pagtugon sa mga fireworks-related injury at anumang emergency bilang bahagi ng kanilang “Iwas Paputok” campaign.
Unang bibisitahin ng mga opisyal ng DOH sa December 29 ang Las Piñas Trauma Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center at Amang Rodriguez Medical Center.
Sa bisperas naman ng Bagong Taon sa December 31 ay tutungo ang mga opisyal ng Field Implementation and Coordination Team sa mga komunidad sa buong bansa upang matiyak na ligtas na nagdiriwang ang bawat pamilya.
Habang sa January 1, 2023, magsasagawa ng media forum ang DOH at bibisitahin ang mga ospital sa Baguio City at iba pang kalapit na lugar upang i-assess ang naging pangkalahatang sitwasyon matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Hinikayat naman ng ahensya ang publiko na iwasang bumili at gumamit ng mga paputok sa halip ay manuod na lamang ng mga community fireworks display at gumamit ng mga alternatibong pampaingay.