High alert status sa Malacañang, hindi ibig sabihin na may banta sa seguridad ni PBBM

Nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang banta sa seguridad ng Malacañang kahit nagpakalat ng mas maraming pulis at nagpahigpit ng bantay sa paligid ng Palasyo sa gitna ng Iglesia ni Cristo (INC) peace rally sa Maynila.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NCRPO Spokesperson Police Maj. Hazel Asilo, na ang makapal na puwersa ng pulis at matinding pagbabantay ay bahagi lang ng precautionary measures sa ilalim ng high alert status.

Hindi aniya ito nangangahulugan na may natukoy na banta laban sa administrasyon.

Giit ng NCRPO, naka-activate ang mas mataas na antas ng paghahanda, mabilis na koordinasyon, at mas tutok na monitoring pero walang indikasyon ng anumang panganib sa Palasyo.

Ngayong araw, mas hinigpitan pa ng Presidential Security Command (PSC) ang seguridad sa paligid ng Malacañang at iisang gate lamang ang bukas para sa lahat ng sasakyang papasok at lalabas ng Malacañang complex.

Sarado rin ang ibang gates gaya ng Solano at Arlegui Street bilang bahagi ng dinobleng security measures ng Palasyo.

Nag-deploy na rin ang PSC ng armored personnel carrier, light armored tanks, at dagdag-pwersa sa bawat kanto.

Nakabalandra rin sa J.P. Laurel Street ang container vans, barbed wire blockades, at concrete barriers para mas makontrol ang daloy ng mga sasakyan at masuri nang mabuti sa checkpoints bago makapasok sa Palasyo.

Facebook Comments