High-profile convict na si Raymond Dominguez, buhay at maayos ang kalagayan sa Bilibid

COURTESY: National Bureau of Investigation (NBI)

Ipinakita ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga video footage ng kanilang inspeksyon sa New Bilibid Prisons (NBP) na buhay at maayos ang kalagayan ng high profile inmate na si Raymond Dominguez.

Ito ay taliwas sa mga ulat na namatay si Dominguez mula sa COVID-19.

Ininspeksyon ng NBI ang Site Harry sa loob ng national penitentiary, na nagsisilbing quarantine facility ng Bureau of Corrections (BuCor).


Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, sinamahan nila ang mga NBI inspectors na libutin ang lugar alinsunod sa ilang patakaran lalo na at isa itong isolation area.

Sinilip ng mga nag-iinspeksyon ang kalagayan ng mga inmate sa pasilidad.

Bukod kay Dominguez, mayroong apat na high-profile inmates ang naka-isolate sa Site Harry.

Sasailalim ang mga ito sa swab test para malaman kung maaari na ba silang ilabas sa isolation.

Si Dominguez ay convicted ng carnapping at nahaharap sa kasong murder kasunod ng pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista.

Sa huling datos ng BuCor, mayroong 266 Persons Deprived of Liberty (PDLs) at 97 personnel ang tinamaan ng COVID-19.

Facebook Comments