Humarap sa motu proprio investigation ng Senado si Jose Adrian “Jad” Dera, ang high-profile detainee na malayang nakakalabas-masok sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility.
Si Dera ang co-accused ni dating Senator Leila de Lima sa natitirang illegal drug cases na unang nasa kustodiya ng NBI sa Taft, Maynila.
Matatandaang nitong June 21 ay naaresto ng NBI si Dera kasama ang anim na iba pang kasabwat na NBI security officers nang abangan ang mga ito ng operatiba sa kanilang pagbabalik sa detention facility matapos tumakas o makalabas ito sa kanyang kulungan noong June 20.
Sa imbestigasyon ng Senado, nabusisi ni Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Francis Tolentino ang paglabas ni Dera ng kulungan at pagpunta nito sa ilang lugar tulad ng Calatagan sa Batangas, Subic, Tagaytay, at sa ilang restaurants sa Metro Manila.
Pero ayon kay Dera, apat na beses lamang siya nakalabas pero hindi kasama rito ang pagpunta sa Calatagan at Subic.
Subalit sa kanyang salaysay lumalabas na limang beses siyang nakalabas ng detensyon kung saan ang una ay noong January 2022 kung saan nagpunta si Dera ng Manila Doctors na may court order, pangalawa ay nagpunta sa Infant Hospital para sa kanyang puso pero ito naman ay walang utos ng korte at pagkatapos ay kumain pa sa isang restaurant sa Makati, at pangatlo ay nitong Marso 2023 kung saan sumama siya sa paglipat ng isang detainee sa kulungan sa Cavite at kumain pa sa isang bulaluhan sa Tagaytay.
Ang pang-apat na paglabas nito sa kulungan ay nito lamang June 15, 2023 na Father’s Day at June 20 ang huling labas sa detention facility bago ito matuklasan ng top officials ng NBI.
Inamin din ni Dera na kasama niya sa paglabas na ito ang pareho ring security officers ng NBI na nadakip sa kanyang pinakahuling pagtakas sa detention facility.
Dumalo rin sa imbestigasyon ng Senado ang anim na jail guards na kasama ni Dera na lumabas sa detention cell ng NBI na sina Randy Godoy, Eric Loreto, Arnel Ganzon, King Martin, Diana Veloso at Pepe Piedad Jr.