Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuloy-tuloy ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga high-profile na personalidad na may umiiral na warrants of arrest, kabilang sina Atty. Harry Roque, dating BuCor chief Gerald Bantag, at dating Cong. Zaldy Co.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na gagamitin ng kapulisan ang malaking bahagi ng kanilang intelligence fund sa pagtugis sa mga wanted persons at sa pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.
Ayon kay Remulla, ginagawa na ang lahat ng legal na hakbang upang maaresto si dating Rep. Zaldy Co, kabilang ang pakikipagkasundo sa Portugal para sa kaniyang posibleng pagbabalik sa Pilipinas.
Samantala, iginiit ng kalihim na si Atty. Harry Roque ay nananatiling kabilang sa mga aktibong tinutugis ng PNP. Nilinaw rin niya na hindi gagamit ng ilegal o marahas na paraan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng pag-aresto.
Para naman kay dating BuCor Director General Gerald Bantag, sinabi ni Remulla na maaaresto ito sa tamang panahon. Huli umano itong namataan na nagtatago sa Cordillera Administrative Region.
Binigyang-diin ng DILG na ang mga operasyong ito ay bahagi ng mandato ng PNP at patuloy na isinasagawa alinsunod sa batas at due process.









