Ginamitan ng unmanned aerial vehicles o drones ang pagsuri sa structural integrity ng pinakamahaba at pinakamataas na tulay sa Pilipinas, ang San Juanico Bridge na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Samar at Leyte pati na rin sa Agas-Agas Bridge sa Southern Leyte na pawang matatagpuan sa Eastern Visayas.
Sa isang aktibidad kamakailan, ay iprenisinta ng Japan International Cooperation Agency (JICA) Project Team sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang initial findings sa unang drone inspections sa mga nabanggit na tulay nitong Nobyembre.
Ayon kay DPWH-VIII Assistant Regional Director Eric Ayapana, ang bridge inspection ng drone technology ay bahagi ng JICA Technical Cooperation Project para sa pagpapaunlad ng kalidad highway at bridge construction at maintenance phase III.
Paliwanag naman ni JICA Project Team Leader and Bridge Expert Hideo Nagao, ang paggamit ng drone sa pag-ininspeksiyon sa mga tulay ay mas nagbibigay ng accurate data at mas mabilis kumpara sa manu-manong pagsusuri.
Inaasahang sa buwan ng Pebrero ng 2019 ay ilalabas na ng JICA ang resulta ng kanilang final assessment and evaluation para sa San Juanico at Agas-Agas Bridges.
Ang resulta ng pagsusuri ay siya namang gagamitin kung kinakailangan magpatupad ng agarang maintenance works sa mga nabanggit na tulay.