High Value Drug Target ng PDEA, PNP sa Region 2, Natimbog

41

Cauayan City, Isabela- Bumagsak na sa kamay ng mga alagad ng batas ang itinuturing na high value individual na target ng PDEA at PNP sa rehiyon dos matapos maaresto sa Brgy. Guinatan, City of Ilagan, Isabela.

Ang suspek ay nakilalang si Ronj Bon Buenviaje, 21 taong gulang, walang asawa at residente rin ng barangay Guinatan sa Lungsod ng Ilagan.

Nagsanib pwersa ang mga elemento ng Ilagan City Police Station, PDEA Isabela, Provincial Intelligence Unit ng Isabela, 1st Provincial Mobile Force Company team at MASA MASID upang isilbi ang Search Warrant sa bahay ng suspek para sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng tahanan nito.


Kabilang sa mga nakumpiska ng mga operatiba ay ang isang nakabalot na papel na naglalaman ng isang plastic sachet ng dried marijuana na may fruiting tops; isang transparent plastic bag na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana; isang box ng lalagyan ng sapatos na naglalaman ng pitong (7) plastic sachet ng dried marijuana at dalawampung (20) piraso ng zip lock transparent plastic sachet na naglalaman ng tuyong marijuana na tinatayang aabot sa halagang Php72,000.00.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments