Nagpaabot ng pakikiisa at dalamhati ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagkawala ng limang miyembro ng Filipino-American family na nasangkot sa highway accident sa Delaware nitong Biyernes.
Ayon kay Consul General Claro Cristobal ang nasabing pamilya ay pabalik sana ng kanilang tahanan sa Teaneck, New Jersey mula Ocean City, Maryland nang mangyari ang insidente.
Sa naturang aksidente nasawi sina Audie Trinidad, 61-anyos, kanyang mga anak na sina Kaitlyn, 20-anyos, Danna, 17-anyos, at ang 14-anyos na kambal na sina Melissa at Allison habang nagtamo naman ng serious injuries ang asawa nitong si Mary Rose Ballocanag.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano binisita na ni Deputy Consul General Kerwin Orville Tate ang sugatang biktima at nangakong tutulong sa hospital at medical expenses nito.
Nakahanda rin ang ahensya saka-sakaling i-repatriate ang labi ng mga biktima pabalik ng Pilipinas.
Noong Sabado nagdaos ng vigil ang mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya Trinidad bilang pakikiramay sa mga ito.