Posibleng tumaas pa ang mga presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin sa mga susunod na araw.
Ito ang ibinabala ng truckers’ group — dahil magtataas na sila ng singil sa pagbiyahe ng mga kargamento, kasunod ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Confederations of Truckers Association of the Philippines, President Mary Zapata, maaaring umabot sa ₱3,000 hanggang ₱4,000 ang sisingilin nila sa mga importer at exporter sa kada 40 container na ibabiyaheng kargamento.
Dahil dito, posibleng maapektuhan aniya ang bulsa ng mga consumer dahil babawiin naman ng mga may-ari ng kargamento ang kanilang puhunan sa itinitindang produkto.
Pero paglilinaw ni Zapata, maliit lamang ang dagdag-singil na ito kumpara sa gastusin nila sa sinisingil ng shipping lines, port operator at container bago ilabas ang container.
Matatandaan, unang araw ng Agosto ng magtaas ng P3.50 ang mga kompanya ng langis sa ibinebentang diesel na sinundan pa ng panibagong apat na pisong pagtataas ngayong araw.