Nasa ₱8.395 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa loob lang ng siyam na araw nitong operasyon.
Ayon kay PNP Police General Archie Francisco Gamboa, patunay ito ng walang tigil na pagtugis ng pulisya sa mga kriminal at sindikato ng iligal na droga.
Nito lang June 12 nang makumpiska ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa ₱18.25 milyong halaga ng shabu sa Caloocan, Navotas at Marikina.
Mula June 12 hanggang 13, aabot sa ₱1.22 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng Police Region Office (PRO)-6 sa Bacolod City habang ₱300,000 na halaga rin ng iligal na droga ang narekober ng PRO-13 sa Butuan City noong Biyernes.
Hunyo a-13 rin nang makumpiska ng PRO-4A ang ₱360,000 na halaga ng shabu sa Rizal.
Sa operasyon namang ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) at PRO-4A, nakumpiska ang ₱2.5 billion na halaga ng suspected shabu sa Cavite na isa sa pinakamalaking halaga ng iligal na droga na nakumpiska ng mga otoridad.
Aabot naman sa ₱1.8 million na halaga ng shabu ang nasabat ng PRO-3 sa Guiguinto, Bulacan noong June 9 at ₱5.63 billion sa Marilao noong June 4 kung saan nadakip ang isang Chinese at dalawang Pilipinang kasabwat nito.
Noong May 22, nasa ₱81.6 million na halaga ng shabu ang nasabat sa Taguig City at makalipas ang dalawang araw, nagkasa ng follow up operation ang mga otoridad kung saan nakumpiska ang nasa ₱244 million na halaga ng shabu sa Parañaque City.
Kaugnay nito, pinuri ni Gamboa ang PNP-PDEG at mga PRO para sa kanilang accomplishment.