Posibleng pumalo raw sa 1.2 million ang bilang ng mga pasahero na gagamit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa papalapit na Undas.
Batay sa projection ng Manila International Airport Authority (MIAA), ang naturang bilang ng mga uuwi sa kanilang mga probinsiya ay sa loob ng 10-day period na magsisimula sa Oktubre 27.
Sinabi ni MIAA Officer-in-Charge Bryan Co, posible umanong umabot sa 130,000 na mga pasahero ang gagamit sa paliparan araw-araw simula sa susunod na linggo.
Malayo ito kumpara sa 94,000 daily passengers na naitala noong nakaraang taon o 945,156 na bilang ng mga pasahero sa kabuuan ng Undas.
Samantala, noong 2019 bago ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay naitala naman ng MIAA ang hanggang sa 1.4 million na pasahero o katumbas ng 129,000 daily passengers sa loob ng sampung araw.