Pumalo na sa PHP 1.2 bilyong piso ang halaga ng pinsala mula sa mga nagdaang kalamidad ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon sa pinakahuling ulat, ang halaga ng pinsala ay kinabibilangan ng PHP481 milyon sa imprastraktura, higit sa PHP790 milyon sa agrikultura, at PHP4.3 milyon sa mga hayop.
Sinabi ni Pia Flores, head ng PDRRMO Emergency Operations Center, na karamihan ng pinsala sa imprastraktura ay sa mga sirang kongkretong kalsada, mga butas sa aspalto, at pagkasira ng ilang flood control at slope protection.
Ang pinsala sa agrikultura, na kasalukuyang pinapatunayan, ay nasa palay, high-value crops, mais, at pangingisda, partikular na sa mga fish cage, fingerlings, at mga bangkang motorized at non-motorized na umabot sa PHP392 milyon.
May 25 munisipalidad at 3 siyudad sa 48 na lokalidad ng Pangasinan ang nagdeklara ng state of calamity.
Aabot naman sa 6,192 na bahay ang totally damaged, at 49,298 ang partially damaged, karamihan sa Western Pangasinan.
Sinabi ni Flores na karamihan ng mga lokalidad sa Western Pangasinan ay nakakaranas pa ng power interruptions maliban sa Sual, Infanta, at Dasol, kung saan isang barangay na lang ang hindi pa naibabalik ang kuryente.
Nagpapatuloy ang mga relief operations at medical missions ng provincial government sa mga apektadong lugar. Tinutulungan din ng PDRRMO ang Office of the Civil Defense sa mga relief efforts, kabilang ang pamamahagi ng tubig at mga shelter kits.
Ayon kay Flores, ang probinsya ay nasa blue alert status mula Agosto 6 dahil sa isang low pressure area na naging Tropical Depression Fabian noong Biyernes. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









