Sisikapin ng pamahalaan na patuloy na maabot ang target na 1 to 1.5 million jabs ng COVID-19 vaccines na maiturok kada-araw, kahit pa matapos na ang National Vaccination Days.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na kailangan maisakatuparan ang target na ito, lalo’t nasa 21 milyong Pilipino pa sa buong bansa ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Bukod dito, mayroon pa aniyang mga indibidwal na mapapaso na ang pagtanggap nila ng second dose ng bakuna, kaya’t kailangan nang mabakunahan ang mga ito.
Kaugnay niyan, sinabi ng opisyal na tuloy lamang ang second round ng Bayanihan, Bakunahan sa December 15 hanggang 17, kahit pa, pinalawig ang kasalukuyang National Vaccination Days hanggang bukas.
Una na ring nilinaw ni Usec. Cabotaje na hindi na kailangan pa ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ekstensyon ng malawakang bakunahan, dahil mismong ang mga LGU na ang humirit na palawigin ang nagaganap na bakunahan.