Nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng nasa 1.048 million face masks sa Laurel, Batangas, at Batangas City.
Ito ay kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal na isinailalim sa Alert Level 3.
Ang bayan ng Laurel at Batangas City ay nakatanggap na ng 500 tents.
Karagdagang 500 modular tents ay naipadala na rin sa Batangas Sports Complex.
Mula nitong July 2, ang DSWD ay nakapagpadala na ng 5,000 family food packs (FFPs) sa Batangas Sports Complex, 1,550 FFPs sa Agoncillo, at 2,000 FFPs sa Laurel.
Pagtitiyak ng DSWD na patuloy silang nakikipag-coordinate sa local government units (LGUs) para i-monitor ang sitwasyon at i-assess kung paano pa matutulungan ang mga apektadong residente.
Sa huling datos ng DSWD Region 4-A, aabot sa 867 families o 3,298 individuals ang apektado ng Bulkang Taal.
Nasa 416 families o 1,712 individuals ang nananatili sa 16 na evacuation centers sa mga bayan ng Agoncillo, Balete, Laurel at Nasugbu, Batangas.