Nakapagpadala na ang Philippine Identification System (PhilSys) ng 1,022,563 Philippine Identification (PhilID) cards sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Undersecretary Dennis Mapa, ikinagagalak nila na matatanggap na ng unang isang milyong indibiduwal ang kanilang national ID.
Inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga nailalabas na cards sa mga susunod na linggo habang pinaiigting ang kanilang operasyon.
Katuwang ang Philippine Postal Corporation (PHLPost), ang bilang ng naipa-deliver na ID ay umabot na sa 317,474 registrants mula nitong June 25.
Ang first batch ng PhilID cards ay ipinadala sa mga lugar na nakumpleto ang dalawang step ng registration.
Ang Step 1 ay ang pagkolekta ng demographic data at pagtatakda ng appointment, at Step 2 na may kinalaman sa verification ng demographic information at pagkolekta ng biometric data.
Ang pag-iisyu ng PhilID cards na may PhilSys Number (PSN) ang ikatlo at huling step ng PhilSys registration.
Sa datos ng PSA, aabot na sa 16,170,330 Filipinos ang nakumpleto ang Step 2 Registration ng PhilSys mula nitong June 30, 2021.