Cauayan City, Isabela- Umaabot sa higit isang daang miyembro ng militanteng grupo na AnakPawis ang nagbalik-loob na sa pamahalaan ngayon araw mula sa bayan ng Pamplona, Cagayan.
Sa harap ng mga kasapi ng Marine Battalion Landing 10, 17th Infantry Battalion Phil. Army, 501st Brigade Phil. Army, PNP Regional Office 2, Provincial Government ng Cagayan, LGU Pamplona, DILG, DSWD, NICA, PDEA, TESDA at Regional Task Force ELCAC nanumpa ang mga dating miyembro ng nasabing grupo at itinakwil ang kanilang grupo kung saan sila kabilang dati.
Kasabay nito ay pinulong rin sila ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang alamin ang kanilang problema at mabigyan ng tulong ng pamahalaan.
Inihayag naman ng isang alyas Baby na noon ay nahikayat umano siya ng militanteng grupo sa murang kaisipan kung kaya’t naging bahagi siya nito.
Giit ni Baby, tutok umano sila ng mga pagsasanay, seminars at pagpupulong ng mga organisasyong pangkabataan at nagpapakalat ang militante upang makapanghikayat ng mga kabataan para umanib sa kanila.
Seryoso umano ang pamahalaan na mabigyan ng solusyon ang mga suliranin ng lipunan kung kaya’t nahikayat si alyas baby na magbagong buhay at iwan ang mapait na karanasan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nakahanda silang tumugon sa mga problema ng mga Pilipino na handang magbalik loob sa pamahalaan.
Marami pang militanteng miyembro mula sa iba pang bayan ng lalawigan ang sumuko sa pamahalaan.