Nakapagtala ngayon ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 114 na mga bagong kaso ng naputukan.
Ayon sa DOH, 61% o 6 sa bawat 10 ng mga nabiktima ng paputok ay dahil sa mga legal na paputok at pailaw.
Sa kabuuan, nasa 557 na ang lahat ng nasaktan dahil sa mga paputok at pailaw kung saan 39% lamang o katumbas ng 216 na kaso ay dahil sa ilegal na paputok.
Nangunguna sa mga sanhi ng pagkakasugat at mga pinsala sa paputok ang mga kwitis, whistle bomb, luces, at fountain habang ang mga illegal naman ay ang 5-star, pla-pla, at boga.
Sa pinakabagong mga kaso, 10 buwang sanggol na lalaki mula NCR na tinamaan ng debris mula sa kwitis ang pinakabatang biktima.
Ang pinakamatanda naman ay isang lalaking 77 anyos mula Ilocos Region na napaso dahil sa whistle bomb na pinaputok ng ibang tao.