Higit 100 botante sa EM’s Signal Village Elementary School, nagkaproblema sa status at sa bagong presintong nakatalaga sa kanila

Higit sa 100 botante ang nagkaproblema kanina sa EM’s Signal Village Elementary School.

Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) doon, ilang botante ang deactivated ang status gayong isang beses lang hindi nakaboto noong 2019.

May ilan namang kaso na deactivated status pero maaaring makaboto.


Bukod pa rito ang karaniwang problema na pag-iiba o pagpapalit ng precinct number.

Posibleng problema umano rito ang hindi pag-notify ng Commission on Elections o COMELEC na deactivated na pala ang status o kaya ay inilipat ang presinto ng isang botante.

Ang ginagawa ng PPCRV ay dino-double check nila sa precinct finder ng COMELEC ang impormasyon ng botante para matiyak ang status at kung saan ang bagong presinto.

Sa isyu naman ng mga pinalitan ang presinto ito ay dahil inilipat ang ilang botante sa mas malaking presinto para hindi lahat ay nagsisiksikan sa isang maliit na presinto.

Samantala, isang makina naman ang nagloko dito sa paaralan na agad namang pinuntahan ng isang technician at naayos din.

Naulit lamang ang problema pero ito ay dahil sa isang balota na hindi nabasa ng makina ang ibinotong presidente.

Maliban dito ay wala namang naging ibang malaking problema sa botohan sa EM’s Signal Village Elementary School at sa mga huling oras ng botohan ay tuloy- tuloy pa rin ang dagsa ng mga botante para makaboto.

Facebook Comments