Nakatakdang pabalikin ng bansang China ang nasa 167 nilang kababayan.
Ito ang mga nadakip na Chinese nationals na nagta-trabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac.
Partikular sa Zun Yuan Technology Incorporated at Hong Sheng Gaming Technology Incorporated.
Mismong ang mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nanguna sa pagpapa-deport sa mga nasabing banyaga katuwang ang Bureau of Immigration (BI).
Lumalabas sa imbestigasyon na ikinasa ng Department of Justice (DOJ), front lamang ang pagiging POGO worker pero pawang mga scammer.
Karamihan sa kanila ay nasangkot sa investment scam, krypto scam at love scam na itinatago sa likod ng iligal na POGO.
Dederetso sila sa Shanghai, China kung saan doon sila sasampahan ng kaso lalo na’t karamihan ng kanilang nabiktima ay pawang mga residente doon.